Work Text:
Ang lungsod ng Los Camarines ay nagdiriwang sa pinaka-inaabangang pagtitipon ng taon, ang marangyang Baile de Temporada. Ito ay gaganapin sa Casa Apuli, ang tahanan ng isa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa buong Kabikolan. Ang mga Principales, mga marangal na angkan ng Las Filipinas, ay nagkatipon upang ipakita ang kanilang kadakilaan. Subalit sa gabing iyon, wala nang mas nagniningning pa kay Binibining Maloi.
Si Maloi ay nagmula sa isang pamilyang iginagalang sa lipunan. Bagamat ang kanyang ama ay hindi humawak ng posisyon sa pamahalaan, ang kanilang mga kalakalan ay nagbigay ng katanyagan sa kanilang pamilya. Ngayon nga’y naimbitahan pa sila sa Los Camarines mula sa Batangas para lumahok sa Baile.
"Mary Loi?" Naputol ang katahimikan sa kanilang karwahe ng malambing na tinig ng kanyang ina. “Anak, handa ka na ba?”
Malinaw pang naaalala ni Margarita Ricalde ang kaniyang unang Baile. Ang mga salitang binitiwan ng kanyang mga magulang ay nananatili sa kanyang alaala: kailangang makapag-asawa siya ng isang marangal na lalaki. Dalawampung taon ang lumipas at ngayo’y pinagmamasdan niya ang kanilang anak sa sarili nitong Baile, isang sagisag ng kanilang pagmamahalan at ipinagmamalaking bunga ng kanilang pagsasama.
Lubos ang kanyang pag-asang matatagpuan din ng kanyang anak ang tunay na pag-ibig.
"Mamá? Kanina pa po kayo nakatitig," ani Maloi na may mahinang tawa.
"Hinahangaan ko lang ang iyong kagandahan, aking mahal."
"Hindi na nakapagtataka," sagot ni Maloi na may mapaglarong ngiti, “Sapagkat kanino pa nga ba ako magmamana?” Ngumiti si Margarita, inabot ang kwintas na nakasabit sa leeg ng kanyang anak at marahang inayos ito.
“Mayroon bang kaba sa iyong puso, mahal ko?” tanong ng kaniyang Ama.
Napatigil si Maloi. May bahagi ng kanyang puso na nasasabik sa kung ano ang naghihintay sa kanya. Kung sino sa mga binata ang makakakuha ng kanyang pansin, kung aling ginoo ang magpapakita ng interes sa kanya, kung mananatili siya rito o babalik sa Batangas.
“Hindi ba’t karaniwan namang kabahan sa aking unang Baile, Papá?”
“Paniguradong maraming hahanga sa iyong kagandahan,” ani ng kaniyang Ama bago buksan ang kanilang karwahe.
Sa loob ng Casa Apuli, ang tugtog ng rondalla at tawanan ng mga bisita ay maririnig sa bawat sulok. Ang Baile de Temporada ay nagsimula na. Ngunit sa ikalawang palapag ng maringal na tahanan, may isang nagbabantang hindi lumabas sa kanyang silid.
“Gwen, anak, magmadali ka na,” malumanay ngunit matigas ang tinig ng kanyang ama, ang Cabeza de Barangay, mula sa labas ng kanyang pintuan. “Inihanda natin ang gabing ito para sa iyo.”
Mula sa loob, si Gweneth Apuli ay nakaupo sa kanyang kama. Sa halip na sagutin ang kanyang ama, mas lalong itinakip niya ang kumot sa kanyang mukha.
“Papá, alam niyo namang wala akong gana sa mga ganitong pagtitipon,” tugon niya nang may buntong-hininga. “Alam niyo rin na hindi ako interesado sa pagpapakasal.”
“Gweneth… kung lalabas ka ngayong gabi, makikisalamuha, at makahanap ng taong nais mong mapakasalan, hahayaan kitang mag-aral sa Paris.”
Para bang tinamaan ng lintik, biglang umupo nang tuwid si Gwen at agad tinanggal ang kumot sa kanyang ulo.
“Totoo po ba, Papá?” ang kanyang mga mata ay nanlaki, hindi makapaniwala.
Ang ama niya ay tumawa nang mahina. “Alam mong hindi ako nagbibiro, anak.”
Mabilis pa sa hangin, lumundag si Gwen mula sa kama at sinugod ang kanyang aparador. Kung ito ang magiging daan para sa Paris, hindi siya makakatanggi.
Nakahilig si Gwen sa isang marmol na haligi, isang baso ng alak sa kanang kamay habang nananatiling malayo sa gitna ng bulwagan. Hindi niya ikinagulat ang dami ng tao. Naroon ang mga binibini at ginoo, nagsasayawan, nagpapalakpakan, at nagpapaligsahan sa pagkuha ng atensyon ng mga kilalang personalidad.
Sa tabi niya, nakatayo si Sheena, ang kanyang matalik na kaibigan at tanging pinagkakatiwalaan sa buong intriga ng mataas na lipunan. “Hayan ka na naman, Gwen. Nandito ka pero ni hindi mo sinusubukang makihalubilo.”
“Hindi naman sinabi ni Papá na kailangan kong magsaya,” sagot ni Gwen, tinutungga ang alak at nakangisi. “Sabi niya lang, kailangan kong lumabas at makisalamuha. Hindi ba't narito ako at nakikipagsalamuha sa iyo?”
Nagtaas ng kilay si Sheena. “Hindi ba’t sinabi rin niyang kailangan mong makahanap ng mapapangasawa?”
Napahagikgik si Gwen. “Malabo ‘yon. Wala ni isa rito ang—”
Subalit bago pa niya matapos ang pangungusap, nabasag ang kanyang atensyon nang marinig ang pagbukas ng malalaking pinto ng bulwagan.
Dumaan ang isang babae, na waring hindi lamang lumalakad, kundi dumadaloy sa hangin.
Siya ay walang iba kundi si Binibining Maloi, ang Mutya ng Katagalugan.
“— kawili-wili.”
Ang kanyang damit ay isang makinis na amarilyong sutla, simple ngunit napakalinis ng pagkakayari na parang pinasadya para lamang sa kanya. Ang kanyang buhok ay pinapungos ngunit may ilang hibla na nakawala, isang alon ng itim na kumikinang sa ilalim ng mga ilaw. At ang kanyang mga mata…
Diyos ko, ang kanyang mga mata.
“Aba, Gwen, ano ‘yang tingin mo?” nakangising tukso ni Sheena. “Mukhang may nakahuli nang iyong pansin.”
Hindi sumagot si Gwen. Hindi niya kayang sumagot.
Para siyang natulala sa isang panaginip. Hindi na naririnig ang tunog ng rondalla. Hindi na nakikita ang ibang tao sa silid. Si Maloi lang ang nasa kanyang paningin.
At sa unang pagkakataon sa buong gabi, may nag-udyok kay Gwen na gawin ang isang bagay na hindi kailanman sumagi sa kanyang isip.
Lalapit siya.
At sa sandaling iyon, nakalimutan niyang may mas mahalaga siyang dahilan kung bakit siya naroroon. Hindi para sa Paris. Hindi para sa kanyang ama.
Marami ang nagnanais makuha ang kanyang kamay sa isang sayaw, ngunit hindi inaasahan ni Maloi na ang unang mag-aalok ay walang iba kundi si Binibining Gweneth Apuli, ang anak ng Cabeza de Barangay ng Los Camarines.
Si Don Apuli ay hindi lamang isang pangkaraniwang pinuno. Siya ang nangungunang kandidato upang maging Gobernadorcillo, ang pinakamataas na posisyon ng isang katutubong Pilipino sa ilalim ng pamamahala ng Espanya.
Kaya nang lumapit si Gwen kay Maloi sa gitna ng sayawan, ang buong bulwagan ay natahimik.
“Isang sayaw, Binibini?”
Nangaligkig ang puso ni Maloi. Ang isang babae ay hindi humihiling ng sayaw mula sa isa pang babae. Subalit narito si Gwen, nakatayo, walang takot, walang bahid ng pag-aalinlangan.
Bago pa man siya makapagdesisyon, naramdaman ni Maloi ang mainit na haplos ng palad ni Gwen sa kanyang kamay, at bago pa niya namalayan, nasa gitna na sila ng sayawan.
Ang tunog ng kundiman ay dumaloy sa hangin habang nagsimulang lumapat ang kanilang mga paa sa sahig, umiindayog sa saliw ng tugtugin. Hindi ito tulad ng alinmang sayaw na naranasan ni Maloi noon. Subalit kasabay ng musika ay ang lumalakas na bulung-bulungan. Alam ni Maloi na hindi dapat siya natangay sa kapangahasan ng sandali.
At sa kanyang pangamba, hinatak niya si Gwen palabas ng Casa at patungo sa hardin ng walang kasamang tsaperona.
“Ano ang iniisip mo?” galit na tanong ni Maloi nang sila’y makalabas sa ilalim ng liwanag ng gasera. “Sinira mo ang iyong pangalan at pati na rin ang akin!”
“Paumanhin, Binibini. Hindi ko ninais masira ang iyong pangalan,” humakbang palapit si Gwen, nakangisi habang patuloy na nakatitig kay Maloi na para bang siya lamang ang natatanging mahalagang bagay sa mundo. “Ngunit hindi ba’t ikaw ang humatak sa akin patungo sa madilim na hardin at malayo sa mata ng madla?”
“Ikaw ang nagsimula ng eskandalo mula nang hingin mo ang aking kamay para sa isang sayaw.” Napasinghap si Maloi. “Pareho tayong babae, binibini. Nahihibang ka na ba?”
“Binibining Maloi,” napalaki ang ngiti sa mga labi ni Gwen. “Ako ang tagapagmana ng aking ama. Ang Gobernador Heneral mismo ang nagbigay ng basbas upang ako ang humalili sa aking ama sa pagiging Cabeza. Sa mata ng madla, ako ay isang soltero at hindi binibining gaya mo. Hiningi ko ang iyong kamay sa isang sayaw dahil nais kong ligawan ka. Ang tanging eskandalo rito ay ang ating paglisan sa Baile nang walang kasamang tsaperona.”
Napalunok si Maloi. Diyos ko, anong kapahamakan itong pinasok ko?
Matapos ang gabing iyon, walang ibang pinag-usapan ang buong Los Camarines kundi ang Mutya ng Katagalugan at ang misteryosong tagapagmana ng Los Camarines.
Bagaman mabilis na kumalat ang balita ng pagtatagpo nina Maloi at Gwen sa madilim na hardin, lalo rin namang humaba ang pila ng mga solterong nagnanais masilayan ang ganda ni Maloi. Napagpasiyahan ng mga Ricalde na manatili ng ilang araw upang istimahin ang mga ginoong nagnanais ligawan ang kanilang unica ija.
Subalit kung ang iba’y iiwas sa eskandalo, si Gwen ay lalong naaakit lumapit sa apoy.
“Hindi ka nanliligaw gaya ng iba,” puna ni Maloi isang gabi habang sila’y naglalakad pauwi galing sa plaza. Ang kanilang tsaperona ay nakasunod nang ilang dipa mula sa kanila.
Kung ang iba’y nagpapadala ng bulaklak, si Gwen ay nagpapadala ng mga liham na puno ng tula at talinhaga. Kung ang iba’y nag-aalay ng mga prutas sa kaniyang mga magulang, si Gwen ay naggagawad ng oras upang maging kutsero ng kalesa ng mga Ricalde. At kung ang iba’y nanghaharana ng may takot sa mata ng lipunan, si Gwen ay kumakanta na para bang walang bukas.
“Isang hindi pangkaraniwang manliligaw para sa isang natatanging binibini,” tugon ni Gwen nang may mapaglarong ningning sa kaniyang mata. “Nais mo ba ng tradisyonal sa panliligaw, Binibini?”
Napailing si Maloi. Sa araw-araw na pagpapaunlak niya sa mga ginoo ng Los Camarines, tanging si Gwen lamang ang kawili-wiling nakakapagpatawa sa kaniya.
“Sa dami nang nagbago nitong mga nakaraang araw, hindi ko na alam kung ano ang aking nais,” wika ni Maloi. “Ginugulo mo ang aking isip, Binibini.”
“At ang iyong puso?” Mapanuksong tanong ni Gwen.
Namula ang mga pisngi ni Maloi. Pilit niyang iniwas ang tingin, ngunit hindi maitatangging nangingiti rin siya. Hindi niya alam kung paano tutugon. Ang puso niya’y kumakabog nang hindi niya maintindihan.
“Hindi ko layuning guluhin ang iyong mundo, Binibini. Ang tanging hangad ko lamang ay mapasama roon,” ani Gwen, halos pabulong, habang dahan-dahang inabot ang kamay ng dalaga.
Napasinghap si Maloi sa haplos, ngunit hindi siya umatras. Bago pa man niya halikan ang kamay ng dalaga, bahagyang lumingon si Gwen sa paligid. Sa ‘di kalayuan, ang kanilang tsaperona ay nakatingin sa kamay ng mga dalaga. Nang nagtama ang kanilang paningin, bahagyang namula ang matanda at kunwari’y abalang tumitingin sa mga bituin sa langit.
Muling binalingan ni Gwen si Maloi. Marahang nilapit ang kamay ng dalaga sa kanyang mga labi.
Isang banayad na halik ang iniwan niya sa likod ng palad nito. Hindi mapangahas, kundi puno ng paggalang at paninindigan.
Napapikit si Maloi at pilit tinatago ang ngiting gustong kumawala.
Saglit na katahimikan ang namagitan sa kanila, puno ng kabog ng damdaming nais kumawala ngunit hindi pa maipahayag. Sa wakas, nakarating sila sa harap ng bahay na tinutuluyan ng mga Ricalde, ngunit hindi pa rin bumibitaw ang kanilang mga kamay.
“Narito na pala tayo, Binibini,” wika ni Gwen. “Nawa’y makatulog ka ng matiwasay ngayong gabi.”
Hindi agad sumagot si Maloi. Nang unti-unti siyang lumingon, may ngiti sa kanyang mga labi.
“Dalhin mo ako sa iyong mga panaginip ngayong gabi,” bulong niya. “Doon, walang bawal. Walang tanong. Tayo lang.”
At sa gitna ng katahimikan ng gabi at sulyap ng gasera, naghiwalay sila na may bitbit na lihim na hindi na kayang itanggi ng sinuman, kahit ng sarili nila.
Makalipas ang ilang araw sa Los Camarines, minabuti ng mga Ricalde na bumalik sa Batangas. Ngunit bago sila umalis, nagbigay ng isang imbitasyon si Don Ricalde sa pamilyang Apuli.
“Don Apuli,” aniya, sa isang tahimik na almusal sa hardin, “minabuti kong anyayahan kayo at ang inyong anak na dalawin kami sa Batangas. Isang maikling bakasyon lamang. Pahinga sa alingasngas ng lungsod.”
Bahagyang ngumiti ang matandang Apuli. “Masarap pakinggan ang tawag ng hangin ng Batangas. Tiyak kong makakabuti para sa aming mag-ama ang pagbabago ng tanawin.”
At sa gayon, naglakbay sina Gwen, Sheena, at Don Apuli patungong Batangas. Ang tahanan ng mga Ricalde ay isang malawak na hacienda. Sa likod ng mga taniman ng tubo at sa gitna ng matandang mga acacia, naroroon ang isang mansyong tila sinadyang itago sa mata ng mundong mapanghusga.
Sa pagdating nila, sinalubong ni Maloi si Gwen sa pasilyo ng kanilang bahay. Nakasuot ng puting saya, may bulaklak sa buhok, at may tingin na naglalaro sa pagitan ng pag-aalinlangan at pananabik.
“Maligayang pagdating, Don Apuli” wika ni Maloi. Kinuha niya ang kamay ng matandang Apuli at nagmano. Humarap siya kay Gwen at Sheena at sinabing, “Ipinagdasal ko na sana'y makarating kayo ng ligtas.”
“Ang hindi ko lang alam ay kung ang ipinagdasal mo ay ang aming kaligtasan... o ang pagdating ng aking kaibigan,” biro ni Sheena.
Hindi napigilan ni Maloi ang ngiting sumakop sa kaniyang mukha at sinabing, “Pareho na rin ‘yon, marahil.”
Simula nang dumating sila sa Batangas, lalong lumalim ang ugnayan ng dalawang dalaga. Araw-araw silang naglalakad sa tabing-ilog, nagtuturoan ng mga bituin sa gabi, at nagpapalitan ng liham kapag may tsaperona.
Isang gabi, habang abala ang lahat sa isang salu-salo sa sala, lihim na lumusot si Gwen sa silid-aklatan. Sa kaniyang unang gabi sa Batangas, ito ang parehong lugar kung saan unang nagtagpo ang damdaming pinagbabawal. Sa likod ng mga lumang istante ng aklat, doon niya hinintay si Maloi.
Hindi siya nabigo.
Dumating si Maloi na may hawak na kandila, ang liwanag nito’y tumatama sa kanyang pisngi at leeg. Tahimik ang kanyang mga hakbang, tila takot na marinig ng sarili niyang konsensya.
“Diyos ko,” bulong ni Gwen, “mas maganda ka pa sa aking alaala.”
“Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o mainis sa sinabi mong ‘yan,” sagot ni Maloi, inilapag ang kandila sa mesa. “Hindi natin dapat ginagawa ito.”
“Sabihin mo lang at lalayo ako,” sagot ni Gwen, hindi gumagalaw sa kinatatayuan.
Ngunit si Maloi ang lumapit.
Walang salita. Walang paliwanag.
Nagtagpo ang kanilang mga labi sa halik na sa una’y puno ng pagdududa, ngunit unti-unting naging kasiguruhan. Mapusok ngunit maingat, tila natatakot na anumang ingay ay makakabasag ng mundong sila lang ang laman.
“Hindi naglalaho ang pananabik ko sa iyo,” bulong ni Gwen habang hinahaplos ang likod ni Maloi, “bagamat araw-araw kitang nasisilayan.”
Hinaplos ni Maloi ang kanyang pisngi. “Anong sumpa ito, Binibini? Ikaw ang tangi kong gusto, ngunit ikaw rin ang pinaka-delikadong mahalin?”
“Kung sumpa man ito,” sagot ni Gwen, “ayaw ko nang gumaling.”
Napalapit sila sa lumang mesa. Ang mga libro sa paligid ay naging saksi sa paglalakbay ng dalawang kamay. Nangangalit ang damdamin, nanginginig ang mga daliri. Dahan-dahang binaba ni Maloi ang manggas ng saya ni Gwen, habang si Gwen ay dahan-dahang itinataas ang palda ng kanyang iniibig.
Ang malamig na hangin mula sa bintana ay napalitan ng init na nagmumula sa kanilang mga katawan.
Ang mga mata ni Maloi ay nagniningning sa ilalim ng dilim. Ramdam niya ang bawat pagdampi ng labi ni Gwen sa kaniyang leeg.
"Maloi..." mahinang bulong ni Gwen. Ang kanyang mga kamay ay humaplos sa tiyan ng babae, pababa sa mga hita nito. Ang mga daliri'y gumuguhit ng sining sa balat ng binibini. Ang katawan ni Maloi ay bumubulong ng malalalim na lihim.
Ngunit —
“Binibini?!”
Isang tinig mula sa pinto. Isang aliping namamahay. Takot na takot, hawak ang walis. Nanlaki ang mga mata nito at mabilis na isinara ang pinto’t tumakbo palayo.
Kinabukasan, parang walang ibang balita ang buong Batangas, at pagkalipas ng tatlong araw, umabot na ito sa Cavite, sa Maynila, at sa bawat sulok ng Luzon. Ang Mutya ng Katagalugan at ang Tagapagmana ng Los Camarines, nahuli sa lihim na tagpo. Dalawang babae, isang bawal na pag-ibig.
Hindi nagtagal, pinatawag ni Don Ricalde si ang mag-amang Apuli sa kaniyang tanggapan.
“Naiintindihan mo ba ang bigat ng ginawa ninyo?” tanong niya, mariin ang boses.
“Don Ricalde, kumalma muna tayo,” sagot ng matandang Apuli.
“Wala na tayong oras para sa kumalma, Cabeza. Alam na ng buong Katagalugan. Tanging isang bagay lang ang makakabawi ng pangalan ng anak ko.”
Napatigil ang matandang Ricalde. Tumingin nang matalim.
“Pakasalan mo siya.”
Sa buong buhay ni Gwen, hindi siya kailanman nasukol.
Kahit noong bata pa siya’t inaasahang magpakababae, kahit noong naging dalaga na siya’t pinilit matutong magpaka-lalaki para sa papel ng tagapagmana. Lagi siyang nakaiwas, nakalulusot, nakalilikha ng sariling daan.
Ngunit ngayon, sa harap ni Don Ricalde, sa harap ng ama ni Maloi, tila naputol ang lahat ng daang iyon.
“Kasal?” ulit ni Gwen, waring hindi pa rin maintindihan ang bigat ng mga salita.
“Ang pangalan ng aking anak ay pinipira-piraso sa bawat tsismosa sa plaza. Hindi na sapat ang tahimik na paglimos ng patawad,” mariing wika ng matanda. “Kung tunay kang may dangal, Binibining Apuli, akuin mo ang naging bunga ng inyong kagustuhan.”
“Hindi ba’t dapat si Maloi ang magpasya?” tanong ni Gwen.
“Siya’y nilapitan mo. Niligawan mo. Kinupkop ka ng aming pamilya! At anong kabayaran ang iyong ibinalik?” May paghihinagpis sa kanyang tinig. “Isang anak na babae na ngayo’y pinagdududahan ng buong lipunan.”
Tahimik si Gwen. Wala siyang maisagot. Sapagkat alam niyang totoo.
“Hindi kita pipilitin,” ani Don Ricalde matapos ang mahabang katahimikan. “Ngunit kung tunay mong minamahal si Maloi, pag-isipan mo ang kapalit ng iyong kapangahasan.”
Kinagabihan, natagpuan ni Sheena si Gwen sa silong ng isang kamalig, nakatingin sa bituin habang sinusubukang lunurin ang sarili sa cerveza’t kalungkutan.
“Totoo ba ang mga usap-usapan?” simula ni Sheena, naupo sa tabi niya. “Pakakasalan mo ang Binibining Ricalde?”
“Hindi pa ako sumasang-ayon,” mahinang sagot ni Gwen.
“Pero?” tukso ni Sheena.
“Pero kung hindi ako pumayag, sinong babalikan ng lipunan? Hindi ako. Hindi si Don Ricalde. Hindi si Papá. Si Maloi at si Maloi lamang.”
Natahimik silang saglit. Ang hangin sa Batangas ay malamig, tila sinasabayan ang bigat ng isip ni Gwen.
“Ayoko pa,” bulalas niya. “Gusto ko pang mag-aral. Gusto ko pang pumunta ng Paris. Hindi ba’t pangarap natin iyon mula nang tayo’y mga paslit pa lamang?”
“Pero gusto mo rin si Maloi,” paalala ni Sheena.
Tumango si Gwen. “Higit pa sa gusto.”
“Ngunit kailangan mong pumili sa dalawa,” tahimik na ani Sheena.
Ngunit bago pa siya makasagot, isang alingasngas ng mga yapak sa likod ng mga puno ang narinig nila. Biglang napatigil ang kanilang usapan.
Hindi nila alam, narinig ni Maloi ang kanilang usapan.
Si Maloi ay nakatayo sa likod ng mga lumang kahon ng binutil, nakapako ang mga mata sa sahig. Sa bawat salitang lumabas sa bibig ni Gwen, tila pinupunit ang bawat hibla ng pag-asang kanyang pinanghawakan.
“Gusto kong pumunta ng Paris.”
“... Pangarap natin iyon mula nang tayo’y mga paslit pa lamang.”
At ang pinakamasakit: ang pag-ngiti ni Gwen kay Sheena. Isang ngiting puno ng lambing, ng tiwala, ng lihim.
“Kailangan mong pumili.”
Kinabukasan, tila yelo si Maloi sa bawat salitang ipinupukol ni Gwen. Wala na ang dating ngiti. Wala na ang lambing. Puro sipat at tahimik na pag-iwas. Hindi na siya sumasagot sa mga liham. Hindi na siya nagpapakita sa hapag.
Isang gabi, sa ilalim ng lumang puno ng mangga, sinundan ni Gwen si Maloi.
“Maloi, kausapin mo naman ako,” pakiusap niya, habol ang hininga.
Tahimik lang si Maloi, tinatalikuran siya.
“Kung may nasabi akong mali, pagalitan mo ako. Kung may nagawa akong masama, parusahan mo ako sa mukha at huwag sa katahimikan.”
Lumingon si Maloi, mapula ang mga mata. “Bakit hindi na lang si Sheena ang kausapin mo? Siya naman ang kasama mong mangarap ng Paris, hindi ba?”
Napaatras si Gwen. “Ano?”
“Akala mo hindi ko narinig? Naroon ako kagabi. Sa silong. Narinig ko ang lahat. Kung paano mo tinanggihan ang kasal. Dahil gusto mo pa siyang dalhin sa Paris!”
“Hindi ‘yon ang—” sagot ni Gwen, ngunit pinutol siya ni Maloi.
“Akala ko iba ka dahil babae ka rin naman. Ngunit wala ka ring pinagkaiba sa mga solterong nanligaw sa akin. Laro lang ba ang lahat ng ito, Gwen? Pampalipas oras habang naghihintay ka ng Paris?”
“Hindi!” sigaw ni Gwen.
Napatigil si Maloi
“Patawarin mo ako sa pag-taas ng aking boses, Maloi.” humakbang si Gwen palapit, tinutunaw ang espasyo sa kanilang pagitan. “Patawarin mo rin ako kung hindi mo naramdaman kung gaano ako kaseryoso sa kung ano man ang mayroon tayo.”
Lumapit siya nang may matinding tibok ng puso. Ang kamay ni Gwen ay bahagyang nanginginig nang hawakan niya ang kamay ni Maloi.
“Totoong ninais kong pumunta sa Paris kasama si Sheena. Totoo ring hindi ko kailanman ninais na magpakasal. Ngunit sa dami nang nagbago mula nang makilala kita, iisa na lamang ang klarong ninanais ng aking puso.”
Kinakabahang nilapat ni Gwen ang kanilang mga kamay sa kaniyang dibdib. Ang kabilang kamay ay hinanap ang pisngi ng kaniyang iniirog at marahang itinaas ang kanyang ulo upang ang kanilang mga mata ay magsalubong.
“Wala nang iba, Binibini. Walang Sheena. Walang Paris. Ang puso ko ay iyo lamang.”
Tumigil ang mundo.
Lumuhod siya sa lupa. Ang kanyang mga kamay ay nanginginig habang nakahawak sa palad ng binibini. Hindi bilang laro. Hindi bilang paglalambing o panunuyo. Kundi bilang panata.
Walang singsing, walang tsaperona, walang saksi maliban sa liwanag ng buwan at ihip ng hangin na tila bumubulong ng panalangin.
“Pakasalan mo ako, Maloi,” bulong ni Gwen. “Hindi dahil sa utos ng iyong ama. Hindi dahil sa mga tsismosa sa plaza. Hindi dahil napilitan tayong dalawa. Kundi dahil ikaw ang gusto kong makasama. Mula Los Camarines hanggang sa Republika ng Pranses. Ikaw lang. Tanging ikaw.”
Napatitig si Maloi kay Gwen. Ang babaeng una niyang hinamak, una niyang pinangarap, at ngayo’y tila handang itapon ang buong kinabukasan para sa kanya.
Tahimik si Maloi. Hanggang sa dumaloy ang isang luha sa kanyang pisngi.
“Tumayo ka,” mahina niyang wika. “Hindi ka dapat lumuluhod sa lupa ng ganito.”
Ngunit hindi kumilos si Gwen.
“Mahal kita,” dagdag ni Maloi. “At dahil mahal kita hindi ko kayang ipatali ka sa mundong hindi mo pa sigurado.”
“Sa iyo, sigurado ako,” sagot ni Gwen. “Kahit hindi ko pa matanto ang Paris o ang pulitika. Sa piling mo, may kasiguradohan sa lahat.”
Lumuhod na rin si Maloi sa harap ni Gwen. Ang kanilang mga noo’y nagtagpo.
“Kung papayag akong pakasalan ka, ipangako mong hindi mo ito pagsisisihan.”
“Pangako,” sagot ni Gwen. “Hindi kita iiwan.”
Kinabukasan, humarap si Gwen sa kanyang ama.
Si Don Apuli, isang lalaking pinanday ng pulitika, disiplina, at dangal, ay tahimik lamang habang inilalahad ni Gwen ang kanyang pasya.
“Papakasalan ko si Maloi,” matatag na sambit ni Gwen.
Tahimik ang matanda, ngunit sa likod ng kanyang mga mata ay may pagod at pang-unawa.
“Hindi ako nagalit dahil nakahanap ka ng pag-ibig, anak,” ani Don Apuli. “Nagalit ako dahil tila hindi mo pinapahalagahan ang prestihiyong pinaglaban kong makamit mo. Alam mo ba kung ilang taon akong nakipagtunggali sa mga Kastila para makuha ang natatanging karapatan na iyan para sa iyo?”
“Alam ko,” sagot ni Gwen. “At ipinagmamalaki ko ang lahat ng ginawa mo, Papá. Kaya ngayon, nais kong ituwid ang aking pagkakamali.”
Nangilid ng luha ang mga mata ng matandang Apuli. Kuhang-kuha ng kaniyang anak ang tapang at paninindigan ng kaniyang nasirang ina. Mula nang mawala ang Dona Apuli, pinangako ng Cabeza sa kaniyang sarili at sa Diyos na gagawin niya ang lahat upang mapalaki ng maayos ang kaniyang anak.
Mula sa kaniyang bulsa, kinuha ni Don Apuli ang isang singsing.
“Kuhang-kuha mo ang ngiti ng iyong ina, Gwen,” wika ng ama. Kinuha niya ang kamay ng kaniyang anak at inilagay ang singsing sa kaniyang palad. “Alagaan mo ang apelyidong binubuhat mo at ang babaeng pinili mo.”
Nangyari ang kasal sa loob ng isang linggo. Sa isang seremonya sa loob ng kapilya sa hacienda, sa patnubay ng Gobernador Heneral, at sa presensiya ng iilang pamilya at kaibigan, nagpalitan ng panata sina Maloi at Gwen.
Walang sermon ng Prayle. Walang mga bisitang nakapustora at mapangutya. Walang tsimosa.
Ngunit may mga matang puno ng pag-ibig, mga kamay na mahigpit na magkahawak, at isang halik na nagsabing: “Ikaw ang tahanan ko.”
Ang kwento ng Mutya ng Katagalugan at ng Tagapagmana ng Los Camarines ay hindi namatay sa bulung-bulungan. Umabot ito sa Visayas, sa Iloilo, sa mga salon sa Intramuros. Iba-iba ang bersyon: may nagsabing sila’y nagtanan, may nagsabing pinikot ng kanilang mga ama, may nagsabing kabaliwan lang ang lahat.
Ngunit alam ng mga taga-Los Camarines at ng mga alipin ng Hacienda Ricalde ang katotohanan. Na sa ilalim ng araw at gitna ng mga taniman, may dalawang babaeng tuwing madaling-araw ay sabay na nagkakape. At sa ilalim ng buwan sa katahimikan ng kanilang silid-tulugan, ang dalawang babae ay patuloy na namamanata ng pag-ibig nilang dalawa.
